Nothing Is Constant But Change

thCADYKLHZ

Sinabi ko na dati na may sumpa ang pagiging kuntento at hindi mainam ang sobrang palagay. Hindi ko maintindihan na nahuhulog pa rin ako sa patibong ng pagpirmi at hindi na ako nasanay. Kung bakit naman kung kailan natutunan nang yakapin ang kinatatayuan ay doon pa may sasambulat na nakakagulantang. Maitataboy kang may palaisipan sabay ibabalik sa bulag na pangangapa.

Kailan ba matututong mahalin ang ideyang halos lahat ay nagbabago? Bakit hindi magawang masagot itong bugtong ng mundo? Paanong tatanggaping iikot at mag-iiba ang panahon? Sinasabi ko na nga ba’t may sumpa ang pagiging kuntento.


Thoughts From Up In The Air

Nakatingin akong paibaba sa mumunting mga bahay, puno, at kotse; ang mga maiilaw na gusali ay animo mga kumikislap na bituin sa kayumangging langit. Maliliit ang mga daan na parang sala-salabat na mapa tungo sa kung saanman.

Katiting nga lang ba ang mundo tuwing nandito ako sa itaas?

O baka naman ang dambuhalang daigdig ang syang nakatingala sa akin habang gatuldok ako doon sa himpapawid.


Eksayted

kating-kati na ang mga paang
ayaw na magpapirmi
sa kasalukuyang lugar.

nakaempake ang maletang
laman ay libo-libong pangarap,
naghihintay nang kumawala.

maya-maya pa’y lilipad
bitbit ang imahinasyon
at mala-batang haraya.

walang masama kung
uhaw na uhaw na tutuklas
nitong mundong kay lawak.

dali. tara. byahe na!


Naiintindihan Ko Kung Hindi Mo Ako Maintindihan

Image

Tinawanan mo ako kagabi nang sabihin ko sa’yong susulat akong muli ng mga tula. Sabi mo pa tungkol nalang sana sa pagkain, o mga aklat, o di kaya’y mga palabas. Hindi kita masisi kung hindi sa ganito mo ako nakilala.

Noong naging tayo kasi dumalang ang dalaw ng mga akda. Hindi naman sa walang gana o natuyo ang pluma; at lalong hindi dahil sa’yo ay kulang ang paghanga. Sadyang kay hirap lang talagang sumulat kapag mas masaya.

Nauunahan ng bumubulusok na tuwa ang indak nitong panulat. Nauubos ang oras sa pananaginip nang mulat. Umiinog ang mga araw at gabing papel ay natitiwangwang. Hindi sa hindi ako nakabol, bagkus ako pa nga’y kapit na nakasabay.

Kaya’t naiintindihan ko kung hindi mo ako maintindihan. Kasalanan ko na sa parte kong ito ay di ka sanay. Kaya nga inuunti-unti ko na muling simulan. Nagbabakasakaling makuha mo din ang diwa kong alay sa’yo, balang araw.


Walang Nagbago

Maraming yugto ang nag-umpisa, tinula, at natapos. Animo’y mga pahinang nalagas, pinilas, at naglaho. Parang aklat na binuksan, isinara, at itinago. Subalit kung iisiping mabuti, ang totoo’y walang nagbago.

Ilang daang iskinita ang binagtas at nilagom. Nagpaikot-ikot sa mga kanto ng hinulmang mundo. Pumasok at lumabas sa mga pintong nagbukas nga’t dagli ring nagsarado. Napadpad pa rin sa simula, tila walang nagbago.

Kahit may umalis at may nang-iwan, nandyang may nagpakilalang itinadhanang matagpo. Tumakbo lang naman ang oras ngunit parehas lang ang kanyang kislot. Dumilim man at lumiwanag pero umuulit lang ang panahon.

Kung susumahing mainam ang puso, nag-iba man ang lahat ay walang nagbago.

* ang pagbabalik! 😉